-- Advertisements --

Napigilan ng Bureau of Immigration ang pag-alis ng isang babaeng pinaniniwalaan na biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section o I-PROBES, nag-presenta umano ang lalaking Chinese ng apostilled original certificate of marriage sa immigration officers. 

Subalit napuna ng immigration officers ang ilang inconsistencies sa mga pahayag ng babae at kasama nitong Chinese. Dahil dito, isinailalim sila sa secondary inspection. 

Ayon sa I-PROBES, nakasulat daw sa marriage certificate na ginanap ang kasal sa Kamasi, Maguindanao noong October 2022 subalit nang tingnan ng BI ang travel records ng Chinese, wala ito sa Pilipinas nang mangyari ang sinasabing kasal. 

Dahil dito, inamin din ng Pilipina na hindi siya ang nag-ayos ng marriage certificate at wala siyang ideya kung paano nagkaroon nito. Sa inspeksyon ng BI’s Forensic Documents Laboratory, natagpuan na authentic ang apostilled marriage certificate nito kahit na naglalaman ito ng mga hindi totoong impormasyon. 

Pinagsususpetsahan ni BI Commissioner Norman Tansingco na kaso ito ng mail-order bride scheme kung saan pinepeke ang marriage certificate para isama ng mga Chinese. 

Sa huli, dinala ang babae at ang lalaking chinese sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa mas malalim na imbestigasyon at upang matulungan ang biktima. 

May mga nahuli na rin umano ang Immigration na kahalintulad ng ganitong kaso. Isa na rito ang nailigtas nilang babae noong January 18 sa Mactan-Cebu International Airport na dadalhin sana ng isang lalaking Chinese sa China.