Inihayag ng Bureau of Immigration na ang panukalang batas na modernization para sa kawanihan ay tutugon sa mga posibilidad ng katiwalian sa mga tauhan nito.
Sinabi ni BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, na magiging digitalize na ang mga proseso sa loob ng BI na magiging paraan para maiwasan ang corruption at iba pang katiwalian.
Ito ay matapos aprubahan ng House of Representatives ang House Bill 8203 o ang Bureau of Immigration Modernization Act sa ikatlo at huling pagbasa nito.
Ayon kay Mabulac, ang kasalukuyang Immigration Law ay hindi na angkop sa pangangailangan at paraan ng transportasyon sa ngayon.
Sinabi ni Mabulac na hinahangad din nilang gawing moderno ang seguridad sa hangganan ng bansa sa pamamagitan ng pag-install ng mga karagdagang e-gates at advanced na mga camera sa loob ng kawanihan.
Dagdag dito, masisiguro rin aniya ang mga BI officers na mayroon silang career path.
Bukod dito, itataas din ng panukalang batas ang mga suweldo ng mga opisyal ng BI.