-- Advertisements --

Ipinauubaya na ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon hinggil sa pinekeng pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa appointment ng umano’y bagong Bureau of Immigration chief.

Ipinahayag ito ng PNP chief matapos na matukoy na ng CIDG ang limang indibidwal na maaari umanong makatulong sa naturang kaso.

Ayon kay PGen. Azurin, mas mabuting ipaubaya na lamang ang naturang nagpapatuloy na imbestigasyon sa CIDG upang hindi na ito magulo pa at maiwasan na rin may maakusahan pang mga indibidwal na hindi pa kumpirmadong may kaso o wala.

Ang mga indibidwal na iniimbitahan aniya ng pulisya sa ngayon tanging mga persons of interest pa lamang dahilan kung bakit mas magandang hintayin na muna na matapos ng CIDG ang kanilang pag-iimbestiga.

Magugunita na una nang iniulat ni CIDG director Police Brigadier General Ronald Lee na natanggap na ng tatlo sa limang persons of interest ang kanilang subpoena habang kasalukuyan pa rin naman nilang inaalam ang address ng dalawa pang mga indibidwal.