Gumugulong na ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Pilipinas upang matukoy ang mga nasa likod ng shipoing ng nadiskubreng dalawang bangkay na nakasilid sa container van sa Thailand noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagkadiskubre ng isang lalaki at isang babae na (pasintabi po) naaagnas na ang katawan batay sa kanilang mga counterpart sa Thailand.
Sa kabilang banda, sinabi ng Bureau of Customs na kanilang biniberipika at iniimbestigahan na ang naturang insidente.
Batay sa impormasyong natanggap ng PPA, dalawang bangkay ang natuklasan sa loob ng isang container van na dumating sa Laem Chabang Port sa Thailand noong Setyembre 28. Ang container van ay ibinaba mula sa isang barko na umalis ng Pilipinas noong Setyembre 23.
Nang ihatid umano ang container van sa isang bodega para linisin noong Oktubre 2, natuklasan ng mga awtoridad sa pantalan ng Thailand ang mga bangkay sa loob kung saan ang babaeng biktima ay nakasuot ng gintong singsing habang ang lalaking biktima naman ay may mga tattoo sa dibdib, likod at braso.
Nadiskubre rin sa loob ng container van ang isang itim na sando na may pangalan at selyo ng isang fraternity.
Una ng idineklarang walang laman ang container van matapos ang inspeksyon sa isang daungan sa Maynila at naniniwala ang PPA na nagkaroon ng interbensyon na nagresulta sa paglalagay ng mga bangkay sa loob bago ito ipinadala sa Thailand.
Nauna nang inamin ng PPA na wala itong reliable monitoring system ng container matapos i-shelve ang Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) dahil sa pagtutol ng ilang shipping lines dahilan kung bakit natatagalang ma-trace kung saan nagpunta ang container van na naglalaman ng mga bangkay matapos itong inspeksyunin at bago ito ipadala sa Thailand.
Inaasahang isasailalim sa forensics examination ang dalawang bangkay pagdating ng mga ito sa Pilipinas.