Ipinag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng itinayong resort sa Chocolate Hills sa Bohol, isang protected area at kabilang sa talaan ng UNESCO World Heritage sites.
Ayon kay Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na hindi nagustuhan ng liderato ng Kamara ang pangyayaring ito.
Sinabi ng mambabatas na hindi nagustuhan ng liderato dahil ang Cholocate Hills ay dineklara ng National Heritage.
Inihalintulad ng kongresista na ang Captain’s Peak Resort na tila isang kulugo sa mukha ng isang tao.
Sinabi nito na nais malaman ni Romualdez kung sino ang responsible at pumayag na maitayo at mag-operate ang resort sa Chocolate Hills.
Duda si Tulfo na walang alam ang mga lokal na opisyal ng lugar sa itinayong resort sa kilalang tourist site sa Bohol.
Dagdag pa nito kailangan ding magpaliwanag ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources sa pagkakaroon ng resort sa lugar.
Nais din ng liderato ng Kapulungan na managot ang tanggapan at mga opisyal kabilang na ang Land Registration Authority, na responsable sa pagbibigay ng titulo ng lupa.
Nakikiisa rin si Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes sa layunin ni Romualdez na imbestigahan ito para mabatid kung sino ang responsable sa pagtatayo ng resort.