-- Advertisements --

CPNP7

Pareho lang ang layunin ng ginagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa war on drugs sa ginagawang imbestigasyon ng PNP at Department of Justice (DOJ).

Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar matapos ilabas ng CHR ang kanilang “analysis” sa 500 insidente ng pagkamatay at umano’y karahasan sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Base sa ulat ng CHR, 11 lang ang nabuhay sa 466 indibidual na umano’y nanlaban sa mga operasyon ng mga pulis.

Nilinaw naman ng PNP Chief na nirerespeto niya ang imbestigasyon ng CHR dahil bahagi ito ng kanilang constitutional mandate.

Pero binigyang diin ni Eleazar, maging ang PNP ay determinado ng malaman ang katotohanan sa mga alegasyon ng umano’y pang-aabuso ng mga pulis.

Ito aniya ang dahilan kung bakit nakipagtulungan sila sa DOJ para imbestigahan ang mga kaso ng pagkamatay sa war on drugs.

Hindi naman aniya patas para sa mga tauhan nilang namatay sa kampanya kontra droga kung ang buong PNP ay madadamay sa mga alegasyon ng pang-aabuso na maaring nagawa ng ilan nilang mga tauhan.