-- Advertisements --
image 91

Dismayado ngayon ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero matapos na iatras ng pamilya ng anim sa mga nawawalang biktima ang kanilang isinampang kaso laban sa anim na guwardiya ng Manila Arena kung saan napaulat na nawawala ang kanilang mga kaanak.

Sa ulat, mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na sina John Claude Inonog, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, James Baccay at Marlon Baccay ang nag-urong ng kaso laban kina Julie Patidongan alias “Don-Don”, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnny Consolacion, at Roberto Matillano Jr. na pawang may mga warrant of arrest.

Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, nakakagulat ang ginawang ito ng ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero sa kadahilanang masigasig aniya ang mga ito nung una na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.

Ngunit sa kabila nito ay tiniyak niya na magpapatuloy pa rin ang mga pagdinig sa kaso at ang korte lamang aniya ang makakapagsabi kung itutuloy ba ito o hindi.

Samantala, kaugnay pa rin nito ay tiniyak naman ng Philippine National Police na ipagpapatuloy pa rin ng kapulisan ang paghahanap sa mga nawawalang sabungero at makikipagpulong din ito sa pamilya mga suspek upang makakuha ng lead at alamin ang kinaroroonan ng mga ito.