-- Advertisements --
junk foods1

Pabor ang ilang estudyante at magulang sa panukala ng Department of Health (DoH) na dagdagan ang buwis sa junk food at matatamis na inumin upang madagdagan ang kita ng gobyerno para sa Universal Health Care Program (UHCP).

Una rito, sinabi ng DOH na mahigit 27 milyong Pilipino ang obese base sa pinakahuling survey ng Department of Science and Technology Food and Nutrition Research Institute.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang pagtaas ng buwis sa junk food ay magpapababa ng pagkonsumo sa mga nasabing produkto.

Tumaas daw kasi ang bilang ng obesity problem sa bansa mula sa 31 percent noong taong 2015 ito ay umabot na sa 37 percent noong 2018.

Dagdag pa ni Vergeire, ang sin taxes na galing sa alcohol, vape at tobacco products ay makatutulong para makaiwas at makontrol ang mga lifestyle risk factors kagaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Ang mga ito ang nagiging sanhi ng pagdami ng non-communicable diseases na dagdag-balakid sa pag-unlad ng ating ekonomiya.