-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Ilang bayan sa western side ng lalawigan ng Aklan ang nakaranas ng mga pagbaha dakong alas-11:00 kagabi dahil sa malakas at walang tigil na mga pag-ulan dulot ng shearline.

Sa bahagi ng Nabas, Aklan, nasa 100 bahay ang apektado ng flashflood matapos umapaw ang mga ilog at creek.

Ayon kay Reynard dela Cruz, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Nabas na karamihan sa mga apektadong indibidwal at pamilya ay nagpalipas ng gabi sa kani-kanilang evacuation centers at kapitbahay na dalawang palapag ang bahay.

Sa kabilang daku, naging mabagal din ang daloy ng trapiko dahil sa mga nangyaring landslides sa Barangay Habana at Libertad, kung saan apektado ang kalahating bahagi ng national highway na daanan papuntang Isla ng Boracay.

Maliban sa bayan ng Nabas, naranasan din ng mga residente ng katabing bayan ng Malay, Ibajay at ilang bahagi ng Tangalan na nasa mababang lugar kung saan pinasok ang kanilang tahanan ng hanggang baywang na baha.