
Inaasahang ma-repatriate ngayong buwan ang ikatlong batch ng 20 Pilipino mula sa Turkey na niyanig ng malakas na 7.8 magnitude na lindol ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega.
Ito ay kasunod ng unang batch ng 25 Pilipino na dumating sa bansa noong nakalipas lamang na linggo at 24 na iba pa na na-repatriate mula Turkey noong Marso 8 kabilang ang isang Turkish national na may asawang Pinoy.
Sa kabuuan nasa 49 na Filipino repatriates na ang nakabalik sa bansa mula Turkey.
Sa kasalukuyan, nasa 78 Pilipino pa rin ang nananatili sa shelters sa Ankara, Turkey matapos na mailigtas at mailikas mula sa mga lugar na tinamaan ng malakas na lindol.
Sinabi naman ni De Vega na ang mga Pilipinong piniling bumalik sa bansa ay kabilang sa mga napinsala ang kanilang tahanan dahil sa lindol.
Karamihan naman sa 280 Pilipino na nasa Turkey ay nagpasyang manatili doon dahil ilan sa kanila ay ikinasal sa Turkish nationals habang ang iba naman ay pinangakuan ng Turkish government ng housing at financial assistance.
Ayon kay de Vega, nagbigay ang Department of Foreign Affairs ng $200 financial assistance para sa mga Filipino repatriates bago sila bumalik sa bansa.










