KORONADAL CITY – Ginawa nang morgue para sa mga nasawing biktima ng COVID-19 ang pinakamalaking ice skating stadium sa Madrid, Spain.
Ito ang inihayag ni Leonides Labja, isang chef na nagtatrabaho sa isang restaurant sa naturang lungsod sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Labja, na tubong-Cebu City, dahil sa dami ng mga namamatay bunsod ng naturang virus at hindi na makayanan ng mga funeral parlors, napagdesisyonan ng Spanish government na gawing morgue ang Palacio de Hielo o Ice Palace.
Katulad sa ibang bansa na tinamaan ng COVID-19, mahigpit ring ipinapatupad ang total lockdown upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Magmumulta naman ng 600 Euros at pagkakakulong ang sinumang lalabag sa mga protocol na ipinapatupad ng mga otoridad.