-- Advertisements --

Sinabi ng Malacañang na nananatiling balido ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos hindi pagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng kanyang kampo na temporary restraining order (TRO) para pigilan ang pagpapatupad nito.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kinikilala ng gobyerno na may bisa pa rin ang warrant at ang mga legal na interpretasyon at operational na hakbang ay nakasalalay na sa Department of Justice (DOJ). Aniya, wala ring hadlang sa pagpapatupad ng warrant dahil walang inilabas na TRO ang Korte Suprema.

Binanggit din ni Castro ang posisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na itinuturing si Dela Rosa bilang “fugitive,” matapos umano siyang umalis sa Senado habang nasa ilalim ng protective custody.

Dagdag pa niya, sinusuri rin ng mga awtoridad ang iba pang ebidensya kaugnay ng pag-alis ni Dela Rosa sa Senado, kabilang ang mga video footage na posibleng maging bahagi ng mga imbestigasyon ng DOJ, DILG, at Ombudsman.

Samantala, iginiit ni Castro na mananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsunod sa batas at sa rule of law sa gitna ng isyu. (Report by Bombo Jai)