-- Advertisements --

Sinuspendi ng executive bureau ng International Criminal Court (ICC) si Chief Prosecutor Karim Khan dahil sa mga alegasyon ng sexual misconduct o pang-aabusong sekswal.

Ang 21-member bureau ng Assembly of States Parties (ASP), na siyang namamahala sa ICC, ay nagdesisyon sa pamamagitan ng qualified majority na suspindihin si Khan habang nakabinbin pa ang pinal na desisyon ng naturang bureau bilang competent decision-maker.

Binigyang-diin ng bureau na ang suspensiyon ay hindi indikasyon ng pinal na resulta.

Matatandaang inakusahan si Khan ng umano’y indecent behaviour sa isang babaeng empleyado na nagtrabaho sa ilalim niya. Nagsimula ang isyu noong unang bahagi ng 2024, kung saan inakusahan si Khan ng isang babaeng assistant na nagsabing hinaras siya at pinilit sa ilang hindi kanais-nais na gawain.

Bago pa man ang opisyal na suspensiyon noong Hunyo 2026, si Khan ay boluntaryong naghain ng leave of absence noong Mayo 2025 para bigyang-daan ang imbestigasyon. Makailang ulit na rin niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kaniya.

Si Khan ay kilala sa paghawak ng mga high-profile na kaso, kabilang ang mga warrant laban kay Russian President Vladimir Putin at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, gayundin ang imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil sa nasabing suspensiyon, siya ay na-diskwalipika na rin sa paghawak ng kaso ng dating Philippine president.