-- Advertisements --

Hinimok ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang publiko na isumbong sa kanila o sa mga law enforcement agencies ang mga nagkukunwaring abogado.

Ayon kay IBP president Domingo Egon Cayosa, makakatanggap ng suporta, tulong, at incentives ang sinumang makakatulong sa kanila na matunton, maaresto, at malitis ang mga nagkukunwaring abogado.

Ginawa ni Cayosa ang naturang pahayag kasunod nang pagkaka-aresto sa dalawang tao na nagpapakilalang abogado sa Manila at Quezon City.

Sinabi ni Cayosa na isang Joselito Alegre, na nagpapakilala bilang si IBP Manila 3 Chapter vice president Francisco James Brilliantes, ang naaresto sa Tondo, habang isang nagngangalang Cherry Barabad na nagkukunwari bilang isang notary public gamit ang pangalan na Salvador Viste, Jr. ang naaresto naman sa Quezon City.

Iginiit ni Cayosa na bukod sa sinsisira ng mga pekeng abogadong ito ang pangalan ng kanilang ginagaya pati na rin ang legal profession, kinukompromiso rin aniya ng mga ito ang legitimacy ng legal process at mga dokumentong kanilang hinahawakan.