KALIBO, Aklan—Tinatayang humigit kumulang sa 30 kabahayan ang natupok sa naganap na sunog sa Sitio Cabanbanan, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Ayon kay Marvin Mosquera, residente ng Barangay Estancia, Kalibo ngunit kasalukuyang nagtatrabaho sa nasabing isla na dakong alas-5:45 ng hapon nang mapansin na umuusok ang bahay na may dalawang palapag.
Ngunit dahil sa malakas na hangin at magkadikit ang mga kabahayan kabilang ang ilang boarding houses na gawa sa light materials ay kaagad na kumalat ang malaking apoy na tumupok sa mga ito.
Nagtulungan ang mga residente sa pag-apula ng apoy habang hindi pa nakarating ang mga bombero ng Bureau of Fire Protection o BFP Boracay kabilang ang iba pang fire fighter ng mga malalaking estabilisyimento sa Boracay.
Dahil dito, maraming mga residente at workers ang wala nang naabutan na matitirhan na bahay gayundin mga kagamitan dahil nasa trabaho ang mga ito sa kasagsagan ng sunog.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng arson investigator ng BFP Boracay ang insidente upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.