-- Advertisements --

Isa sa 70 potential vaccine na dini-develop sa buong mundo ang posible raw maging available na sa Setyembre bilang panlunas sa 2019 coronavirus infectious disease o COVID-19.

Kasunod ito nang matagumpay na experimental coronavirus vaccine na ginawa ng mga researchers mula sa Oxford University na unang ginamit sa anim na rhesus macaques, isang uri ng unggoy.

Na-expose kasi ang mga unggoy na ito sa COVID-19 dahilan para mahawa rin ang iba pang mga hayop ngunit pagkatapos ng 28 araw ay gumaling din ang mga ito.

Ang naturang vaccine ay na-produce ng Jenner Institute at Oxford Vaccine Group bilang parte ng kanilang eksperimento na ginawa noong Marso sa National Institutes of Health’s Rocky Mountain Laboratory na matatagpuan sa Hamilton, Montana.

Ayon kay Vincent Munster, head ng Virus Ecology Unit sa nabanggit na laboratoryo, ang rhesus macaques ang uri ng unggoy na pinakamalapit sa tao.

Bukas ay inaasahang sisimulan ang human trial ng vaccine o hAdOx1 nCoV-19 sa halos 6,000 katao na maaari raw tumagal hanggang sa susunod na buwan.

Sa oras na maging ligtas, epektibo at makakakuha kaagad ng approval sa mga regulators ang mga researchers ay ilalabas na nila sa Setyembre ang naturang gamot.