Wala umanong mangyayaring shut down sa Hudikatura sa gitna ng pangamba ng pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Supreme Court (SC) Justice Marvic Leonen, mayroon umanong tungkulin ang kataas-taasang hukuman sa publiko lalo na ang pagsiguro sa rule of law kahit sa mga oras na may krisis.
Pero aminado naman itong magkakaroon ng adjustment sa operasyon ng mga korte para matugunan ang health concerns ng publiko maging ang kapakanan ng judicial personnel.
Kanina ay nagsagawa ang mga mahistrado ng SC ng special meeting para talakayin ang magiging tugon ng kataas-taasang hukuman sa isyu ng pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Kagabi nang ianunsiyo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang isasagawang lockdown sa Metro Manila mula Marso 15 hanggang Abril 14.
Posibleng masagasaan dito ang schedule ng nakatakdang summer session ng mga mahistrado sa Baguio City sa Abril 13 hanggang 15.