Sinimulan na nuong Martes ang congressional inquiry para sa depektibong P680-million Ungka flyover sa Iloilo City, subalit pansamantala itong sinuspinde dahil sa kawalan ng resource speakers.
Tinalakay na lamang sa nasabing pagdinig ang umano’y mishandling ng Department of Public Works and Highways sa Western Visayas (DPWH-6) hinggil sa resulta ng imbestigasyon na pinangunahan ng ahensiya.
Nadismaya naman si Surigao del Sur Rep. Romeo Momo, na siyang chairman ng House committee on public works and highways sa ahensya matapos aminin ni Jose Al Fruto, ang assistant regional director ng DPWH-6, na wala silang ginawang anumang aksyon sa mga natuklasan ng isang independent structural engineers dahil ang ulat ay ipinadala lamang sa central office para sa aksiyon.
Ayon kay Cong. Momo kaniyang ipapatawag ang mga dati at incumbent officials ng DPWH para sa susunod na pagdinig para makuha ang kanilang mga paliwanag hinggil sa kanilang delayed na aksiyon at hindi magamit na flyover.
Isinagawa ang House inquiry bunsod sa House Resolution No. 271 na inihain nuong Jan. 26,2023 nina Kabataan Rep. Raoul Danniel Manuel, Gabriela Rep. Arlene Brosas at Act Teachers Rep. France Castro.