Ikinalugod naman ni Rep. Enverga ang halos 40% na pagtaas sa pondo ng Department of Agriculture sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.
Sinabi ni Enverga na magandang balita para sa sektor ng agrikultura at sa mga magsasaka na itataas ang ilalaang budget para sa DA.
Aniya, tinotoo ng Pangulo at kasalukuyang Agricuture Sec. na si Ferdinand Marcos Jr. na ang “food security” ang numero unong agenda ng kaniyang administrasyon.
“Masayang masaya kami coming from an agricultural sector, magandang balita po ito para sa ating mga magsasaka, yung 39 percent increase (sa budget) para sa agriculture. So, this is good news to the farmers. In general masayang masaya po tayo, tumutoo po ang ating Pangulong Bongbong Marcos na kung saan nga number 1 po sa agenda po niya is food security, which I’m definitely sure will be very much inclusive,” dagdag pa ni Enverga.
Batay sa 2023 National Expenditure Program o NEP, aabot sa P184.1 billon ang panukalang pondo ng DA, na 39.2% na mas mataas kumpara sa pondo nito sa ilalim ng 2022 National Budget.
Dagdag pa ni Enverga na hindi man haharap sa budget hearing si Pang. Marcos para idepensa ang pondo ng DA, may itatalaga naman aniyang opisyal gaya ni Usec. Domingo Panganiban na maglalatag ng mga programa at magpapaliwanag sa mga kongresista.
Sa naunang budget message ng presidente, kanyang sinabi na ang dagdag-pondo para sa DA ay layong palakasin ang sektor ng agrikultura, suportahan ang mga magsasaka at mangingisda, at tiyakin ang seguridad sa pagkain.
Mula sa naturang 2023 proposed budget ng DA, kasama na rin ang P13.1 billion para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng farm-to-market roads sa buong bansa; at ang P1 billion na alokasyon para sa “fuel assistance program” na pangtugon sa mataas pa ring presyo na mga produktong petrolyo.
Binigyang-diin ni Enverga, hindi makakaila sa mga nagdaang panahon, tila pinabayaan at hindi naging prayoridad ang sektor ng agrikultura kung saan kulang na kulang ang suporta at programang ipinatutupad para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mapabuti ang katayuan nila lalo na ang kanilang produksyon o ani.
“On my end kami masaya kami, kasi finally nabigyan ng pansin yung agricultural sector. It has been long neglected,” wika ng Quezon lawmaker.