Inaprubahan ng House Committee on Justice ang committee report hinggil sa dalawang impeachment complaints laban kay Sara Duterte, kung saan inirekomenda ng komite ang kanyang posibleng pagpapatalsik sa puwesto matapos makitang may probable cause.
Sa pagdinig noong Lunes, inihain ni Deputy Speaker David Suarez ang mosyon para aprubahan ang amended report na naglalaman na rin ng articles of impeachment. Kasunod nito, nagsagawa ng nominal voting si Committee Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, kung saan 55 sa 55 miyembrong dumalo ay bumoto pabor sa pag-apruba.
Ipapasa ang committee report sa House Committee on Rules para maisama sa order of business ng plenaryo. Kapag natalakay na sa plenaryo, maaari itong isponsor ng mga opisyal ng komite at hamunin ng ibang mambabatas.
Bago ito, walong pagdinig na ang isinagawa mula Marso hanggang Abril, kabilang ang pagsusuri sa sufficiency in form at substance, pag-isyu ng subpoenas, at pagdinig sa mga alegasyon tulad ng umano’y misuse ng confidential funds, SALN issues, at mga pahayag hinggil sa mga banta sa ilang opisyal ng gobyerno.
Matapos ang mga pagdinig, nagkakaisang pinagtibay ng komite ang pagkakaroon ng probable cause, na may ulat na halos lahat ng miyembro ay bumoto pabor. Ayon kay Luistro, posibleng sa Mayo 11 iharap sa plenaryo ang usapin para sa pinal na desisyon ng buong Kapulungan. (Report by Bombo Jai)
















