-- Advertisements --
image 145

Bumuwelta si House Speaker Minority Leader France Castro sa naging patutsada ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magpapakulong na lamang siya.

Ito kasi ang naging tugon ng dating Pangulo sa inihaing kasong grave threat ng mambabatas laban sa kaniya.

Pinayuhan pa ni Rep. Castro si dating Pangulong Duterte na huwag magdrama na magpapakulong dahil isa aniyang abogado si Duterte kayat alam niya ang proseso ng batas at marapat na sumunod aniya ito sa legal na proseso.

Nagbigay din ng pahayag ang mambabatas sa posibilidad na hindi pagharap ng personal ng dating Pangulo sa prosecutor.

Aniya, maaaring magpadala ang kampo ng dating Pangulo ng kaniyang legal counsel subalit kapag hindi aniya dadalo si Duterte ng personal, isa umano itong uri ng paglapastangan sa prosecutor.

Saad pa ng mambabatas, bagamat mabagal ang justice system sa bansa dapat na huwag pangunahan ang batas.

Binigyang-diin naman ni Rep. Castro na wala siyang kakayahan para siilin si Duterte

Matatandaan na inisyuhan ng Quezon City Prosecutor’s Office ng subpoena si dating Pang. Duterte at inatasang tumugon sa reklamong inihain ni Rep. Castro sa Disyembre 4 at 11.

Nag-ugat ang reklamo ni Rep Castro laban kay ex-PRRD matapos ang maanghang na pahayag nito sa isang television network na nagbabanta sa buhay ng mambabatas.