Umaapela ang Comelec sa mga kongresista na maibalik ang malaking halaga na kinaltas ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa kanilang proposed budget para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng House committee on appropriaitions, natukoy na P26.728 billion billion ang inaprubahang alokasyon ng DBM para sa Comelec sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Mas mababa ang halaga na ito kumpara sa original proposal ng poll body na P41.99 billion, na kakailanganin sana para sa pagdaraos ng halalan sa Mayo 2022.
Ayon kay Comelec chairman Sheriff Abas, kabilang sa mga tinamaan sa desisyon ng DBM ang pondo para sa honorarium na ibibigay sa mga poll workers.
Gayunman, sinabi ni Abas na makakatanggap pa rin naman ng karagdagang P2,000 na accross-the-board increase ang honoraria ng mga gurong magsisilbi sa halalan.
Sa ngayon, hindi pa aniya tiyak ang naturang halaga at posibleng madagdagan pa dipende sa magiging final budget ng Comelec sa susunod na taon.
Sinabi naman ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na dapat lang madagdagan ang honoraria na matatanggap ng mga guro na magsisilbi sa halalan dahil sa inaasahan na mas mahabang oras ang kanilang gugugulin bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.










