-- Advertisements --

Nais lamang umano ni Quezon City Representative Alfred Vargas na magkaroon ng holistic approach sa mga kabataan, pamilya, at guro sa kanyang panukala na ipagbawal ang pagbibigay ng homework sa mga mag-aaral tuwing weekends.

Sa ilalim ng House Bill 3883 na inihain ni Vargas, nais nitong luwagan ang weekends ng mga mag-aaral para ma-develop daw ng mga ito ang kanilang mga talento sa labas ng mga paaralan at lumakas din ang kanilang relasyon sa pamilya.

Bukod sa mga mag-aaral, magbebenepisyo sa panukalang ito ang mga guro dahil mabibigyan din ang mga ito na makapagpahinga at mabawasan ang kanilang trabaho sa dami ng kanilang mga paper works.

Nilinaw naman ng kongresista na hindi hangad ng kanyang panukala na tuluyang ipagbawal ang pagbibigay ng homework sa mga mag-aaral kundi tanging weekends lamang.

Ibig sabihin, maari pa rin namang magbigay ang mga guro ng homeworks sa mga mag-aaral tuwing Lunes hanggang Huwebes.

Nauna nang nagpahayag ng suporta ang DepEd sa panukalang ito dahil magkakaroon na ng school-life balance sa mga estudyante.