Naghain ng resolusyon si Marikina City Rep. Stella Quimbo para magpatawag ng hiwalay na imbestigasyon sa Kamara hinggil sa status ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Sa kanyang inihaing House Resolution No. 1455, sinabi ni Quimbo na tungkulin ng Kongreso na tiyaking walang masasayang sa pondong nakalaan para sa COVID-19 vaccination program.
Dapat na mayroon aniyang malinaw na plano kung paano ma-maximize ang pondong ito ngayong napaulat na nagpapatuloy ang negosasyon ng pamahalaan sa mga pharmaceutical firms na gumagawa ng COVID-19 vaccines.
Mahalagang matiyak din na “efficiently distributed” aniya sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang bakuna at well-capacitated din ang mga ahensya ng pamahalaan, local government units at private sector.
Ayon kay Quimbo, dapat paghandaan ang cold storage capacity ng bansa, manpower at training na kailangan ng mga taong mapapasama sa COVID-19 vaccination program.
Kritikal din para sa pamahalaan aniya ang patuloy na pag-monitor sa programa lalo pa at hindi pa tukoy ang long-term effectiveness ng bakuna.
Binigyan diin ng kongresista na mahalagang component para sa recovery ng bansa sa pandemya ang matagumpay na vaccination program.
Kaya dapat na lahat ng mga mahahalagang hakbang para mapalakas ang implementasyon ng programa ay gawin at tiyakin ang cost-effectiveness nito para mas maraming Pilipino ang maaabot.










