-- Advertisements --
Menardo Guevarra

Mismong si Justice Sec. Menardo Guevarra umano ang makikiusap sa state prosecutor na may hawak sa kasong may kinalaman sa droga laban kay Sen. Leila de Lima na payagang pansamantalang madalaw ng senador ang kanyang inang may sakit sa isang pagamutan sa Iriga City sa Camarines Sur.

Ayon sa kalihim, para aniya sa humanitarian reasons ang pagsuporta nito sa hiling na furlough ng senadora.

Una rito, naghain ng mosyon sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ang abogado ni De Lima para payagan itong bisitahin ang 86-anyos na ina na naka-confine sa isang ospitall sa Iriga City.

Sa isinumite niyang urgent motion for furlough, hiniling ng senadora sa korte na payagan siyang makalabas ng kulungan sa August 15 o sa pinakamadaling panahon para makapiling pa niya ang inang si Norma sa huling pagkakataon.

Ang kanyang ina ay isinugod daw noong Linggo sa Villanueva Tanchuling General Hospital at ayon sa kanyang doktor kritikal ang kondisyon nito at maaring maging mabilis ang pagbagsak ng kalusugan.

Si De Lima ay kasalukuyang nakaditome sa PNP Custodial center sa Kampo Crame dahil sa mga drug charges na isinampa sa kanya dahil daw sa paglaganap ng droga sa New Bilibid Prison (NBP) noong kalihim pa ito ng Department of Justice (DoJ).