Binabantayan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang 4 na helicopter at 2 eroplano na pagmamay-ari ni Pastor Apollo Quiboloy na nasa loob umano ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound ayon kay Brigadier General Nicolas Torre III.
Ito ay matapos nilang mamonitor noong nakaraang 2 linggo, ang paglabas at tangkang paglipad ng isang helicopter ng pastor. Agad namang na-alerto ang airport authorities kaya ito ibinaba.
Ayon kay Torre, sa loob ng compound ay may underground, may hangar kung saan naroroon ang mga helicopter at eroplano na may taxiway papuntang Davao Airport.
Kaya naman naniniwala silang nasa loob lang ng compound ang pastor at 4 pang kasamahan nitong pinahahanap din.
Pero isang hamon umano sa pulisya ang nasa 30,000 ektaryang compound na binabantayan ng mga inosenteng taga sunod ni Quiboloy.
Ani Torre, nag-iingat at iniiwasan ng kapulisan na may dumanak na dugo o madamay ang mga inosenteng taga suporta ng pastor.
Kung matatandaan kase, noong June 10 nang maglabas ng warrant of arrest, nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng pulisya at taga suporta ni Quiboloy.
Samantala, nilimitahan naman na ng Court of Appeals ang galaw ng pastor nang maglabas ito ng freeze order sa mga personal bank accounts at ari-arian nito.
Kabilang dito ang 10 bank accounts, 7 real properties, 5 sasakyan, at 1 aircraft ni Quiboloy.
Sakop din ng oder ang 47 bank accounts ng KOJC, 16 real properties, 16 sasakyan. Damay rin ang mga account, properties at sasakyan ng kumpanya sa likod ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Una nang inihayag ni Department o Justice (DOJ) Asec. Mico Clavano na layunin ng naturang kautosan na malaman ang money trail sa mga ilegal na ginagawa ng pastor.
Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong child at sexual abuse at qualified human trafficking at patong-patong na kaso sa Amerika.