Naglabas ng babala ang Chinese embassy sa Kazakhstan hinggil sa hindi pa nakikilang uri ng pneumonia na laganap ngayon sa mga bansa na nasa Central Asia.
Sa ibinahaging advisory ng embahada para sa mga Chinese nationals na kasalukuyang naninirahan sa dating Soviet Bloc country, sinabi nito na ang bagong sakit ay mas mataas ang mortality rate kumpara sa coronavirus disease.
Ito’y matapos makapagtala ang Kazakhstan ng 1,722 katao na nasawi sa naturang sakit sa unang anim na buwan ngayong taon habang halos 700 naman ngayong buwan.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung may higit na kaalaman tungkol dito ang mga Chinese officials para ideklarang mas mapanganib ito sa COVID-19.
Wala ring impormasyon kung naparating na sa World Health Organization ang balitang ito.
“The Chinese embassy in Kazakhstan reminds Chinese nationals here to be aware of the situation and step up prevention to lower the infection risks,” saad pa ng statement ne embahada.