-- Advertisements --
SOl13
IMAGE | Dr. Rontgene Solante/Screengrab, PTV

MANILA – Nilinaw ng isang infectious disease specialist na hindi lahat ng naka-home quarantine ay nangangailangan gumamit ng oxygen tanks.

“Kaya nga kailangan ng close monitoring and advice sa mga doktor para kung ma-monitor, doon palang mag-aadvice na kukuha ng for oxygen support,” ani Dr. Rontgene Solante.

Pahayag ito ng eksperto sa gitna ng mga ulat na nagkakaubusan na ng oxygen tanks sa mga tindahan ng medical supplies.

Marami raw kasi ang namimili ng mga tangke ng oxygen dahil puno na ang mga ospital, at ilang COVID-19 patients ang sa bahay na lang nagpapagaling.

“Hindi lahat ng mga naka-home quarantine kailangan ng oxygen. Talagang dini-discourage natin na magready ka ng oxygen sa bahay kasi talagang magho-hoard ng mga oxygen. Ang problema kung may kailangan mo ng oxygen yung ibang tapos wala ng makuha.”

“Maraming mga ganon na hindi naman kailangan ng oxygen pero nakatambak lang, para kung anong mangyayari mayroon sila. Pero tandaan natin (kapag) nagkakaubusan mas lalong magkaka-problema kung sinong totoong nangangailangan.”

Nauna nang umapela ang Department of Health sa publiko na huwag ubusin ang oxygen tanks sa mga medical supply shops dahil mas kailangan ito ng mga ospital.

Ayon pa sa ahensya, hindi normal ang proseso ng paggamit sa oxygen tanks at kailangan na trained personnel para magamit ito ng indibidwal.