NAGA CITY – Tinatayang mahigit sa P3.4 million na halaga ng marijuana ang nasabat ng mga otoridad mula sa isang graduating student sa isinagawang buy bust operation sa Naga City.
Kinilala ang suspek na si Brian William De Luna, 23-anyos, residente ng Zone 7, Omicron St. Villa Grande Homes, Brgy. Concepcion Grande sa naturang lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Senior Master Sgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nitong kasama sa mga Recalibrated Database of Drug Personalities si De Luna.
Dagdag pa ni Bongon, ayon mismo sa suspek ay karamihan sa mga bumibili nito ay mga estudyante at mga kabataang may mga trabaho na.
Ang nasabi umanong marijuana ay ipinapadala mula sa hilagang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang courier.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nakumpiska sa naturang suspek ang kabuuang 28.5 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,420,000.
Ayon pa kay Bongon, una na umanong nabili ng nagpanggap na poseur buyer ang isang kilo ng marijuana sa halagang P20,000 mula kay De Luna.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.