-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko sa posibilidad ng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Sa mga nakalipas na oras kasi, nakapagtala ito ng 89 volcanic earthquakes na sinasabing pinakamataas nang seismic activity ng bulkan mula nang muling isailalim sa Alert Level 1 status.

Ayon sa PHIVOLCS volcanologist na si Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga naitalang lindol sa bulkan ay “high-frequency” quakes na iniuugnay sa hydrothermal activity o pagpapakulo ng tubig sa ilalim nito.

Wala ring natukoy na sulfur dioxide emission sa pinakahuling pagsukat noong Mayo 26 habang patuloy na naoobserbahan ang mahinang pagbuga ng puting usok mula sa mga aktibong vents.

Sinabi pa ni Alanis, bahagi ito ng pag-adjust ng bulkan subalit hindi pa masabi kung may gumagalaw na magma sa ilalim.

Dahil walang gaanong “precursor” bago ang isang phreatic eruption, mahigpit ang paalala na iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer danger zone ng Bulusan.