Aabot na sa mahigit 700,000 Pilipino ang nabakunahan sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act ng pamahalaan, ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Sa pulong ng House committee on health, sinabi ni Cabotaje na ang 702,362 Pilipino na naturukan ng Sinovac at AstraZeneca COVID-19 vaccines ay pawang mga healthcare workers at senior citizens na napapabilang sa Priority Group A.
Sa naturang bilang, 698,353 health workers, kung saan 272,430 sa mga ito ay tinurukan ng bakunang gawa ng Sinovac at 425,923 naman ang ginamitan ng AstraZeneca.
Aabot naman sa 4,009 ang bilang ng mga senior citizens na naturukan ng COVID-19 vaccines, na pawang mula sa National Capital Region.
Sinabi ni Cabotaje na 272,430 indibidwal na ang nakatanggap ng first dose ng Sinovac habang 425,923 naman ang ginamitan ng AstraZeneca.
Hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga, mahigit 1.1 million COVID-19 vaccines pa ang natitira sa imbentaryo ng DOH.