-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng bayan ng T’boli ang dalawa sa mahigit 70 suspek kabilang ang isang dating konsehal sa nangyaring pangha-harrass ng mga ito sa Sitio Pagang, Barangay Basag sa South Cotabato.

Ito’y matapos nasugatan ang mga nagngangalang Dodoy Camingan at Gerome Pilacion, kapwa residente ng General Santos City, makaraang nabaril sa insidente.

Maliban dito, naaresto rin ang umano’y recruiter ng mga ito na isang dating konsehal na si Minda Atendido.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Maj. Irish Parangan, hepe ng T’boli-Philippine National Police, land conflict ang puno’t dulo ng kaguluhan.

Dito ay sinunog pa ng mga armadong suspek ang nasa 20 bahay at inaangkin ang lugar.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad habang isinasampa na ang karampatang kaso laban sa mga nadakip.