Ipinagmalaki ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga dating rebelde na sumasailalim sa kanilang mga programa.
Sa pagdinig ng House appropriations committee sa 2020 proposed budget ng ahensya, sinabi ni TESDA Chief Isidro Lapena na mula 2018 hanggang 2019 ay umaabot na sa 4,636 ang bilang ng mga dating rebelde na sumailalim Technical and Vocational Education and Training (TVET).
Target ng programang ito ng TESDA na mabigyan ng pagkakataon ang mga rebeldeng nagbalik loob sa pamahalaan na makapagbagong buhay.
Bukod sa mga dating rebelde, natulungan din ng ahensya sa programang ito ang 132,441 na indigenous people at mga indibidwal mula sa cultural communities.
Aabot sa P11.85 billion ang hinihinging pondo ng TESDA para sa susunod na taon.
Mas mababa ito ng 6 percent kompara sa pondo ng ahensya ngayong 2019, at maituturing ding pinakamababang alokasyon ng pondo para sa sektor ng edukasyon.