Nilinaw ng Department of Health (DOH) na nasa higit 1,400 pa ang backlog ng mga laboratoryo sa bansa.
Pahayag ito ng DOH matapos sabihin ni Presidential spokesperson Harry Roque na nasa 1,000 na lang ang backlog sa mga testing laboratories.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi backlog ang discrepancy sa pagitan ng bilang ng mga indibidwal na nagte-test positive at bilang ng confirmed cases.
“‘Yung discrepancy ay dahil sa duplicate entries within the laboratories. For example, multiple tests can be done to a person or duplicates based on different forms and in between laboratories,” ani Vergeire.
“Ang 1,000 na sinabi po ni Secretary Roque kanina ay ayon sa datos na nakalagay sa ating June 27 situation report. Ang ating latest data shows that the laboratory backlog is at 1,430.”
Aminado ang opisyal na hindi agad mawawala ang nasabing discrepancy dahil patuloy pa rin ang pagpapaunlad sa data infrastructure ng ahensya.
“However, given the source of discrepancy, we cannot expect na totally mawawala ang ibang encoding and clerical errors,” ani Vergeire.
Una nang sinabi ng DOH na dumadaan pa sa validation ang resulta ng mga indibidwal na nagte-test positive sa COVID-19.
Sa ngayon may 8,946 pa raw na backlog sa testing, batay sa June 29 situational report ng DOH.










