Ikinonekta ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang pagkalat ng mga balita tungkol sa umano’y paghina ng kalusugan ni Pres Ferdinand Marcos Jr. at planong pagpapatalsik kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa isinusulong na impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, bahagi umano ito ng isang “propaganda war” na layong lituhin at pigilan ang mga mambabatas sa paglahok sa impeachment proceedings. Naniniwala siyang nagmumula ang mga naturang isyu sa mga kaalyado ng Bise Presidente upang maapektuhan ang desisyon ng mga miyembro ng Kamara.
Iginiit din ng mambabatas na walang sapat na basehan ang mga usap-usapang coup laban sa liderato ng Kamara, lalo na’t nasa recess ang Kongreso at kinakailangan ng boto ng mayorya sa plenaryo upang mapalitan ang Speaker.
Samantala, paulit-ulit nang pinabulaanan ng Malacañang ang isyu sa kalusugan ng Pangulo at nagbabala laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon. Para kay Ridon, si Duterte umano ang posibleng makinabang sa naturang mga isyu na aniya’y naglalayong pahinain ang proseso ng impeachment. (Report by Bombo Jai)
















