-- Advertisements --

Isusulong ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera na mabigyan ng hazard pay ang mga barangay workers sa tuwing mayroong state of emergency.

Ayon kay Herrera, maghahain siya ng panukalang batas ukol dito bilang tulong na rin sa mga barangay health workers na nahaharap sa peligro na kaakibat ng kanilang trabaho.

Inspirasyon aniya niya rito ang administrative order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng P500 daily hazard pay sa mga government workers na nagtatrabaho sa gitna ng quarantine period.

Nauna nang inihain ni Herrera ang House Bill 5846 na naglalayon namang taasan ang honorarium at Christmas incentives ng mga barangay officials sa pamamagitan nang pag-amiyenda sa probisyon na nakapaloob sa 29-anyos na Local Government Code (LGC).

Sa ilalim ng LGC, ang mga barangay officials ay nakakatanggap lamang ng honorariums, at hindi buwanang sahod.

Sa ngayon, aabot lamang sa P1,000 ang honorarium na natatanggap ng mga barangay chairman, habang ang councilor, treasurer at secretary ay makakatanggap lamang ng P600.

Subalit ang naturang mga halaga ay maari namang mabago dipende sa availabolity ng pondo.

Sa kanyang panukala, iminumungkahi ni Herrera ang P10,000 buwanang honorarium para sa mga barangay chairman; P8,000 para sa mga councillors, treasurer at secretary; at P5,000 para sa mga tanod at miyembro ng lupong tagapamayapa.

Bukod dito, hangad din ng kongresista na mabigyan ng P3,000 na Christmas bonus ang mga barangay worker.