-- Advertisements --

Nasa kabuuang 576 bilang ng mga empleyado sa Kamara ang nagparehistro sa Register Anywhere Project (RAP) ng Comelec na ginanap sa loob ng Batasan Complex.

Ayon kay Office of the Secretary General Director II, Maria Josefina Ricafort, ang HRep RAP Overall Coordinator, na ang paunang implementasyon ng RAP sa Kamara na isinagawa nuong January 25 hanggang January 27 ay matagumpay na isinagawa. “The joint undertaking between the Comelec and the House of Representatives for the conduct of the former’s Register Anywhere Project was a success with a total of 576 registrants from the HRep workforce, their dependents, personnel from attached agencies in the HRep, and personnel from the DSWD,” pahayag ni Ricarfort.

Sinabi ni Ricafort, 55 na tauhan ng DSWD ang lumahok sa serbisyo ng RAP, kanila itong pinaunlakan dahil may isang araw lamang ang ahensya para sa aktibidad ng RAP.

Sa 576 na nagparehistro, sinabi niya na 203 ay mga bagong registrant, 264 ay transferees, isang Pilot sa Local, at 108 ay reactivated na mga registrants/botante. Pinasalamatan ni Ricafort ang bawat isang nasa likod ng tagumpay ng pagpapatupad ng RAP sa Kapulungan, lalo na ang Comelec at ang kanilang RAP Teams na pinamunuan nina Atty. Frances Aguindadao Arabe at Atty. Ryan Santos.

Dalawang Comelec teams na binubuo ng 30 tauhan ang itinalaga sa Kamara para lamang sa nasabing proyekto.

Ang kabuuang proseso ng rehistrasyon ay inaabot lamang ng kulang sa 10 minuto para sa isang indibiduwal upang kumpletuhin ang rehistrasyon, panayam, beripikasyon, pagsusuri, encoding at acknowledgement ng aplikasyon, ayon pa kay Santos.

Paliwanag pa ni Santos na ang kaibahan ng rehistrasyon ng RAP sa regular na satellite registration ay maaaring tanggapin ng RAP teams ang rehistrasyon saan mang panig ng bansa.

Sa ilalim ng Memorandum of Understanding na nilagdaan nina Speaker Romualdez at Comelec Chairman Atty. George Erwin Garcia, tatanggapin ng Comelec ang mga sumusunod na aplikasyon: a) bagong rehistrasyon; b) paglipat mula sa ibang lungsod/munisipalidad/distrito; c) paglipat mula sa post sa lokal (para sa mga botante sa ibayong dagat); d) reactivation; at e) updating ng mga senior citizens at mga taong may kapansanan.

Idinagdag ni Santos na walang mambabatas na nag-aplay sa rehistrasyon dahil lahat sila ay mga rehistradong botante na.

Target naman ng Comelec makamit ang 1.5 million na voter’s registration.

Paghahanda na rin ito ng Komisyon para sa nakatakdang Barangay at SK elections ngayong taon.