-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakarating na sa Jinan County, South Korea, ang nasa 48 farmer interns mula sa Isabela.

Kabilang sila sa ikalawang batch ng mga intern sa Seasonal Agricultural Sector Development Exchange Program na sasailalim sa limang buwang internship.

Sinamahan sila ni Asst. Provincial Agriculturist Sergio Galamgam ng Isabela upang tiyakin ang kaligtasan ng mga magsasaka gayundin na mamonitor ang kabuuang kondisyon ng mga sumasailalim sa internship sa Timog Korea.

Mainit namang tinanggap ni Mayor Jeon Chun-Sung ng Jinan County ang 48 farmer interns na dumating sa kanilang bansa.

Ang Jinan county ay isa lamang sa 10 counties sa South Korea na humihimok sa mga magsasaka sa Pilipinas na makiisa sa farmer internship program bilang bahagi ng mutual agreement ng Provincial Government at Jinan County.

Ang internship program ay mas magbubukas ng mas maraming pagkakataon at trabaho para sa mga nasa sektor ng pagsasaka sa Isabela.

Samantala tinatayang 20 magsasaka pa ang kabilang sa farmer internship program at nakatakdang lumipad patungong Wanju County, South Korea.