-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Personal na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal ang halos 40 indibidwal na naging biktima ng panibagong investment scam na nakabase sa General Santos City.

Ayon kay alyas Leo sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, isa siya sa mga nabiktima ng Charity Act Good Trading investment scheme kung saan nakapaglagak ito ng halos P100,000 na investment.

Ibinunyag din nito na marami usa kaniyang mga kasamahan na biktima rin ng naturang scam ay ibinenta ang kanilang mga hayop at ari-arian sa paniniwalang mas doble ang kanilang makukuha rito.

Ipinasiguro rin daw sa kanila na “money back company guarantee” ang investment scam kahit na magsara ito.

Dagdag ni alyas Leo, nakumbinsi silang mag-invest dahil sa mga ipinakitang dokumento ng kompanya katulad ng Securities and Exchange Commission registration, business at mayor’s permit.

Subalit wala silang nakuhang pera mula nang pumunta sila sa naturang kompanya noong Marso hanggang Setyembre 2019.

Nananawagan ang mga ito na sana’y tulungan sila ng pamahalaan na maibalik ang kanilang na-invest na pera.