-- Advertisements --

Pinaslang ng mga armadong grupo ang halos 200 katao sa magkakahiwalay na massacre sa remote villages sa Gitna at Hilagang parte ng Nigeria.

Sa central Kwara state, inatake ng mga armadong kalalakihan ang komunidad ng Woro na nag-iwan ng 170 kataong binawian ng buhay, ayon sa mambabatas sa lugar na si Saidu Baba Ahmed.

Ito na ang deadliest assault na naitala ngayong taon sa distrito na may border sa Niger state, ang lugar na tinatarget ng gunmen na sumasalakay sa mga village, nangingidnap ng mga residente at nagnanakaw ng mga hayop.

Sa hiwalay na pag-atake sa northern Katsina state, pinatay ng gunmen ang 21 katao, nagbabahay-bahay ang mga suspek at pinagbabaril ang kanilang mga biktima, ayon sa local police.

Iniulat din ng mambabatas na pinalibutan ng mga armadong kalalakihan ang mga residente, iginapos ang kamay nila sa likod at agad silang pinatay.

Ayon kay Kwara police spokesperson Adetoun Ejire-Adeyemi, pinakilos na ang police at military sa lugar para sa search and rescue operation.

Pinaniniwalaang jihadists ang mga nasa likod ng massacre na nagpre-preach sa village. Nanawagan ang mga ito sa locals na iatras ang kanilang suporta sa Nigerian state at lumipat sa sharia o Islamic law. Nang palagan ito ng mga residente, dito na nagsimulang paulanan ng bala ng mga militanteng grupo ang mga residente sa kasagsagan ng sermon noong Martes, Pebrero 3.

Bunsod nito, nalabag ang anim na buwang peace deal sa pagitan ng komunidad at armadong grupo.

Samantala, nakikipagtulungan na ang Nigerian authorites sa Amerika para mapaigting ang seguridad, bagamat itinanggi na mayroong sistematikong persekusyon sa mga Kristiyano.