-- Advertisements --

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Cebu Port Authority (CPA) kaugnay sa kumakalat na mga video online na nagpapakita ng hirap na dinaranas ng mga pasahero sa pagdaan sa Hagnaya Port tuwing high tide, lalo na kapag umaapaw ang tubig-dagat sa ilang bahagi ng pantalan.

Ayon sa CPA, nauna na nilang hiniling ang tulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-7 at Mines and Geosciences Bureau-7 upang magsagawa ng pagsusuri bago tuluyang isapinal ang mga plano sa rehabilitasyon ng mga pantalan sa Northern Cebu na naapektuhan ng lindol noong 2025.

Batay sa isinagawang ebalwasyon, inirekomenda ng MGB-7 ang pagsasagawa ng Engineering Geological and Geohazard Assessment (EGGA) sa Kawit Port sa Medellin, Polambato Port sa Bogo, at Hagnaya Port sa San Remigio.

Naglaan ang CPA ng ₱8.1 milyon para sa naturang mga pag-aaral.

Natapos na rin ang procurement process at kasalukuyang tinatapos ang pag-award ng kontrata upang agad na maisakatuparan ang mga assessment.

Bagamat ipinakita ng mga kamakailang structural assessment na nananatiling ligtas gamitin ang pantalan, binigyang-diin ng CPA ang kahalagahan ng mas masusing pagsusuri upang matukoy kung ang mga apektadong lugar ay angkop para sa rehabilitasyon.

Ayon sa ahensya, kailangang matugunan muna ang mga posibleng isyu tulad ng hindi matatag na lupa at hindi kanais-nais na kondisyon ng lugar upang maiwasan ang panganib sa publiko at masigurong wasto ang paggamit ng pondo ng bayan.

Tiniyak naman ng CPA na patuloy itong nagsasagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan sa operasyon ng pantalan.

Bilang pag-iingat, napagkasunduan ng CPA at mga shipping operator na pansamantalang itigil ang operasyon ng pantalan tuwing high tide upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero habang nagpapatuloy ang pagsusuri at pagpaplano.