-- Advertisements --

Na-detect na sa mga itik at pugo sa ilang probinsya sa bansa ang subtype ng avian influeza virus o bird flu na H5N1 na maaari rin makahawa sa mga tao.

Ipinahayag ito ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar kasabay ng kanyang panawagan para sa mas mahigpit na pagkontrol at containment measures ng kagawaran laban sa bird flu.

Sa gitna ito ng mga naiuulat na outbreaks sa mga itik at pugo sa ilang mga probinsya sa bansa tulad ng Bulacan, at Pampanga.

Ayon kay Dar, ito ang dahilan kung bakit kinakailangan na doblehin ng kagawaran ang kanilang mga pagsisikap sa pagkontrol at pagpigil sa bird flu sa pamamagitan ng kooperasyon ng bawat isa lalo na aniya ng mga indibidwal na kabilang sa poultry production.

Una rito ay naglabas na ang DA-BAI memorandum circular para sa paggalaw ng mga poultry commodities tulad ng itik, pugo, at manok sa mga apektadong lugar partikular na sa loob ng one-kilometer quarantine area.

Sinabi ni Bureau of Animal Industry (BAI) Director Reildrin Morales na kinakailangan na sumunod ang mga farm owners sa mga transport requirement bilang pagsunod sa prescribed surveillance period, diagnostic tests, at biosecurity protocl ng World Organization for Animal Health bilang mga hakbang pa rin laban sa banta na dala ng nasabing virus sa mga kasulugan ng mga hayop at taumbayan.