-- Advertisements --

Posibleng maharap sa suspensyon o tuluyang pagkakatanggal sa pwesto ang sinasabing drug queen at barangay chief sa Maynila na si Guia Gomez Castro.

Ito ang sinabi ni Interior spokesperson Usec. Jonathan Malaya, na inaming naghahanda na ng kasong isasampa kay Castro sa Office of the Ombudsman.

Maituturing pa rin daw kasing pampublikong opisyal si Castro ng Brgy. 484 Zone 48 sa Maynila.

Kaya reklamong grave misconduct ang hinahabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) para rito.

Batay sa records ng DILG, isang active official si Castro na nanumpa kasunod ng pagkakahalal sa pwesto.

“Since technically she is a public official, the DILG is now preparing the filing of administrative cases for her suspension and dismissal.”

Taliwas sa pahayag kamakailan ni NCRPO chief police Major Gen. Guillermo Eleazar na nagsabing hindi nanumpa bilang kapitan ang akusado.

Una ng kinansela ng Estados Unidos ang visa ni Castro ayon sa Department of Justice.