Makakatanggap ng agarang tulong pinansyal ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) matapos ilunsad ang isang modified na 3-buwang loan moratorium, bilang tugon sa epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa halip na ang nakasanayang pagpapatigil ng paniningil, inilatag ng ahensya ang Balik Ginhawa Program.
Sa pamamagitan nito, direktang ibabalik ng GSIS sa accounts ng mga aprubadong aplikante ang tatlong buwang halaga ng kanilang loan payments bilang isang lump sum. Saklaw ng nasabing refund ang panahon mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026.
Nilinaw ng GSIS na sa ilalim ng bagong mekanismo, magpapatuloy pa rin ang salary deductions ng mga miyembro, ngunit papahabain ang kabuuang loan term ng karagdagang tatlong buwan nang walang ipapataw na dagdag na interes o penalties.
Boluntaryo ang pagsali sa nasabing programa at maaaring iproseso ng mga interesadong miyembro ang kanilang aplikasyon gamit lamang ang GSIS Touch mobile application.
Ayon kay GSIS President at General Manager Jose Arnulfo Wick Veloso, idinisenyo ang hakbang na ito upang magbigay ng mas mabilis na ayuda habang pinapangalagaan ang pangmatagalang pondo ng institusyon.
Ang nasabing hakbang ng GSIS ay ipinatupad kasunod ng pormal na deklarasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng isang state of national energy emergency.
Bunsod ng krisis, ipinag-utos din ng ehekutibo ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang maalalayan ang mga labis na apektadong sektor sa bansa.















