Pinagbabaon pa ngayon ng mas maraming pasensya ang lahat ng mga pasahero ng pampublikong transportasyon sa buong bansa dahil mahaba-haba pa ang titiisin ng mga ito sapagkat mae-extend pa ang ikinakasang tigil-pasada ng ilang transport group sa Pilipinas.
Ito ay matapos na ianunsyo ng Grupong Manibela na simula bukas, Nobyembre 22, 2023 ay magkakasa rin ito ng nationwide tigil-pasada sa loob ng tatlong araw o hanggang sa Nobyembre 24, 2023.
Ayon kay MANIBELA chairman Mar Valbuena, layunin ng kanilang ikakasang transport strike na kontrahin ang planong Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Babala ni Valbuena, sa oras aniya na hindi palawigin ng gobyerno ang itinakdang deadline nito para sa naturang programa ay magreresulta lamang ito ng mas malawak at mas matinding tigil pasada sa susunod na taon.
Samantala, sa kabila nito ay nilinaw naman ni Valbuena na hindi nila pinipilit ang kanilang mga miyembro na makiisa sa kanilang ikakasang transport strike.
Kasabay ng panawagan sa mga indibidwal na wala namang importanteng mga lakad na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan sa kasagsagan ng pagkakasa ng tigil pasada.