Dismayado ang Filipino Nurses United (FNU) sa pagdipensa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III at sa Department of Health (DOH) hinggil sa “deficiencies” na tinukoy ng Commission on Audit (COA) sa COVID-19 funds ng kagawaran na nagkakahalaga ng P67.32 billion.
Ayon kay FNU president Maristela Abenojar, nakakadismaya sapagkat marami pa ring mga health workers ang hindi pa rin nakakatanggap hanggang sa ngayon ng kanilang benepisyo kapalit nang pagsisilbi sa frontlines kontra COVID-19, kabilang na ang kanilang dapat ay special risk allowance, active hazard duty pay, at meal, accommodation, at transport allowances.
Dapat aniyang isaisip din ng pamahalaan na ang bawat health worker ay mayroon din namang pamilya na binubuyhay.
Nauna nang nagbabala ang ilang mga grupo ng mga health workers na sila ay magsasagawa ng mass protest para hilingin ang release ng kanilang mga benefits kung hindi pa rin matutugunan ang kanilang mga concerns.
Ayon kay Abonejar, makikibahagi ang FNU sa kilos protesta na ito kung sakali.
Samantala, sinabi naman ng DOH na handa silang ilabas ang mga benepisyo na ito para sa ilang daang libong healthcare workers.