Ibinunyag ng Bigkis ng Mangingisda Federation sa Masinloc, Zambales na naging mas agresibo nitong mga nakaraang buwan ang China Coast Guard (CCG) laban sa mga mangingisdang Pilipino na nagsisikap na maghanapbuhay sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc o Panatag Shoal) sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Henrelito Empoc, tagapagsalita ng grupo, na patuloy na hinaharang, itinataboy at hinahabol ng mga rubber boat ng CCG kapag nagpumilit na pumasok ang maliliit na bangka ng mangingisdang Pilipino sa loob ng ating lagoon kung saan maraming isda.
Dahil dito, umapela si Empoc sa gobyerno na dagdagan ang presensya ng mga security forces ng Pilipinas sa Scarborough Shoal upang bantayan sila laban sa mga sasakyang pandagat ng China habang sila ay nangingisda.
Aniya, matutuwa ang mga mangingisdang Pilipino kung malalaman nilang may mga tauhan mula sa Philippine Navy, Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na susuporta sa kanila sakaling may mangyari.
Nauna nang hinimok ng PCG ang mga mangingisdang Pilipino na patuloy na mag-operate sa Scarborough Shoal at iba pang mga lugar sa pinagtatalunang karagatan kung saan kabilang dito ang West PH Sea at nangakong papalakasin pa ang pagpapatrolya sa lugar sa kabila ng presensya ng mga barko ng China.