-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Binigyang diin ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na hindi tunay na Aparriano ang mga pinaghihinalaan o utak sa pananambang at pagpatay kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Mamba na may mga tao na nagpapanggap na taga Aparri ang gustong magkakahati-hati ang mga Aparriano.

Hindi naman aniya nakatira sa bayan ng Aparri ang mga pinaghihinalaan kundi dumarating lamang kapag panahon ng halalan ngunit hindi naman nananalo dahil mulat na ang mga mamamayan at hindi na umano tumatanggap ng pera para bomoto.

Inihayag pa ng Punong Lalawigan na tiyak na may alam ang pulisya ukol sa pinaghihinalaan sa pagpatay ngunit takot umano sila sa katotohanan.

Naniniwala siya na hindi kayang lutasin ng local police ang kaso ng pagpatay at kailangan ang tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan.

Wala aniyang nais lumantad na testigo dahil takot sila sa kanilang seguridad kaya kung mayroon mang lumantad na testigo ay dapat tiyakin ng pulisya ang kanilang seguridad.

Walang ordinaryong tao na maglalakas ng loob na pumatay sa kasikatan ng araw bukod pa sa nagsagawa ng barikada sa lugar kung saan naganap ang pananambang at pagpatay sa grupo ng Bise Mayor.

Ang pahayag ng Punong Lalawigan ay kasabay ng libing kahapon ni Vice Mayor Rommel Alameda at tatlo mula sa limang kasamang napatay sa pananambang sa kanila noong February 19 sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.