
Target ng Marcos Jr administration na maging rice sufficient ang Pilipinas bago matapos ang termino nito pagdating ng 2028.
Ito binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., kasunod ng isinagawang Rice Industry Convergence Meeting na pinangasiwaan ng ibat- ibang stakeholders.
Sinabi ng Pangulo, maganda ang planong nailatag na tinawag na Masagana agri roadmap at ang kailangan lang aniya ay sundin ang nabalangkas na plano.
Sinabi ng Chief Executive na kasama din sa Masagana agri roadmap ang mapataas ang economic status ng mga magsasaka.
Sa ilalim ng nabanggit na roadmap ay ipatutupad ang pagtatatag ng mas maraming kooperatiba gayundin Ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya at digitalization.
Aminado ang Pangulo na may mga hamong kahaharapin subalit dapat maging matapang sa anumang pagsubok para makamit Ang nasabing objective.
Naging produktibo din ang pakikipulong ni Pangulong Marcos Jr. sa mga miyembro ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement o PRISM nitong Miyerkules, May 31.
Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gagamitin ng pamahalaan ang mga bagong teknolohiya sa sektor ng agrikultura upang mas maraming kabataan ang mahikayat na makibahagi sa agribusiness at pagsasaka sa bansa.
Binanggit din ng Pangulo na nasa 56-57 taong gulang ang karaniwang edad ng mga Pilipinong magsasaka, kaya naman mahalaga ang inobasyon at mekanisasyon sa sistema sa pagsasaka para pasukin ito ng mga kabataan.
Kahapon inaprubahan ng chief executive ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP) na layong makamit ang sapat na suplay ng bigas gamit ang iba’t ibang istratehiya katuwang ang mga stakeholder ng rice industry.
Samantala, ipinag-utos naman ng Pangulo na sumailalim sa geomapping ang lahat ng lupang pang-agrikultura sa bansa upang matukoy ang partikular na produkto na itatanim, mapataas ang produksyon, at mapabuti ang kita ng mga magsasaka.
Binanggit ng Pangulo na ginagamit na ng gobyerno ang geomapping sa pagresolba ng mga isyu sa land titling na layong mapalakas ang produksyon ng sektor lalo na sa mga potensyal na lupa na maaaring sakahan.
















