-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isang ginang ang napaanak sa loob ng isang unit ng Mindanao Star Bus na may body number 15669 na bumabiyahe patungong Cotabato City.

Batay sa Facebook Post ng video uploader na si Xzyl Tryst Flauta, nagtulong-tulong silang mga kasamahang pasahero para mailuwal ng maayos ng ginang ang kaniyang sanggol.

Aniya, walang may alam sa kanilang mga pasahero sa pagpapaanak at nagpatulong na lamang ito sa kaniyang ate na isang medical practitioner sa pamamagitan ng virtual conversation.

Kwento ni Flauta, sa bayan ng Kabacan, Cotabato ay nagsimula nang mag-labor ang ginang at napaanak na sa bahagi ng Pagalungan, Maguindanao.

Dagdag pa nito, walang bahay paanakan, klinika o pinakamalapit na ospital sa kanilang binabaybay na lugar na maaaring ibaba ang ginang upang doon manganak.

Dakong alas 9:16 ng umaga ay iniluwal ng ginang ang kaniyang malusog na sanggol na inalalayan ng isang Ludivina Tambagan Reformado na walang karanasan sa pagpapaanak.

Sa ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan ang mag-ina.

Binansagan namang ‘Baby Bus’ ang bagong silang na sanggol.